Ang ating bansang Pilipinas ay sinakop ng tatlong beses ng mga dayuhan. Mula sa mga Espanyol patungo sa mga Amerikano at Hapon. Hindi natin maikakaila na ito ay nagbigay ng malaking epekto sa ating bansa pati na rin sa ating mga Pilipino. Sa panahon ngayon, marami na rin ang kumakalat na ‘fake news’ o iba’t ibang bersyon na nangyari sa ating kasaysayan, mayroon ding mga hindi sigurado o nakalimutan na ang ating nakaraan. Kung kaya’t dapat tayo ay pumunta sa ating pambansang museo para tayo ay makasigurado at magkaroon ng karagdagang kaalaman sa kasaysayan ng ating bansa. Ang pagpunta rito ay makatutulong sa atin sa maraming aspekto. Hindi lang tayo magkakaroon ng karagdagang kaalaman kundi mas mapalalawak pa natin ang ating pagkakaintindi sa ating bansa at dahil ditto maaari rin nating matutuhan na mas mahalin pa ang ating lupang sinilangan. Sa pagkakaalam natin ng ating kasaysayan, mas mapahahalagahan natin ang inang bayan at maaari rin nating mas maipagmalaki pa ito. Malalaman natin ang ating tunay na kultura at pinanggalingan, makakikilala at makakikita rin tayo ng iba’t ibang tao na tumatak sa ating nakaraan at obra ng ating mga pintor at marami pang iba na gumawa ng sining. Wala namang mawawala sa atin kung tayo ay magpupunta sa ating pambansang muse, hindi ba? Sa halip ay marami pa tayong mapupulot na aral at kaalaman mula sa ating nakaraan. Kung kaya’t tara na nang masilayan ng ating mismong dalawang mata ang kasaysayan ng ating bansa!
Gawa ni: Alingarog, Rianne