Ang Pambansang Museo ng Antropolohiya

Ang Pambansang Museo ng Antropolohiya, na dating tinawag na Museo ng Lahing Pilipino, ay isang bahagi ng 4 na pambansang museo na nasa loob ng tinatwag na National Museum Complex sa Padre Burgos Drive, Agrifina Circle, Maynila. Ito ay nakasentro sa pagpapakita ng mga artepakto ukol sa mga komunidad at pamumuhay sa Pilipinas mula noon hanggang ngayon sa iba’t ibang mga etnikal na grupo. Mayroon itong limang palapag, nugnit apat lamang ang bukas sa publiko. Ang unang palapag ay binubuo ng mga opisina ng iba’t ibang dibisyon sa ilalim ng Museo ng Antropolohiya tulad ng Archaeology, Ethnology at Maritime and Underwater Cultural Heritage, pati na rin ang silidaklatan ng Pambansang Museo.

Sa ikalawang palapag dito nagsisimula ang mga koleksyon at tanghalan na i-spinonsor ng iba’t ibang pribadong kumpanya. Ang Marble Hall ay ang sasalubong sa lahat ng bibisita ng museo na ginawa ni Antonio Toledo noong 1940. Ang gallery na nagngangalang San Diego: 500 Years of Maritime Trade ay isa sa mga unang makikitang koleksyon sa museo na ipinapakita ang mga nakita noong lumubog ang bapor ng San Diego. Sa paglubog nito nakita ang mahigit kumulang 34,000 na artikpakto na ginagamit sa kalakalan tulad ng mga katana ng Hapon, porselana mula sa Tsina, malalaking mga garapon at mga baryang ginto. Dito rin matatagpuan ang iba’t ibang artipakto na nakuha mula sa Ivory Trade kung kaya’t nakakita ng malalaking tusks ng elepante na naipreserba at ang iba ay nalagyan pa ng iba’t ibang magagandang disenyo.

Ang ikatlong palapag ay nakatuon sa mga nabubuhay na kayamanan ng bansa at ang kultura sa Mindanao. Itinatanghal dito ang Bangsomoro Art at ang pamumuhay ng mga Lumad at iba pang pangkat etniko sa Mindanao- ang kanilang pananamit, lenguwahe, sining at iba pa. Isang kakaibang nakikita rito ang Kaban ng Lahi na ipinapakita ang iba’t ibang mga gawi ng libing sa Pilipinas. Ang mga gallery sa parting ito ng museo ay natatangi dahil sa pagpapamalas sa mga bisita sa mga aspeto ng kulturang Pilipinong hindi masyadong napagtutuunan ng pansin.

yeyeykaban.jpg
Ang Kaban ng Lahi kung saan makikita ang iba’t ibang banga na ginagamit sa paglibing ng mga Pilipino noon.

Panghuli, ang ikaapat na palapag ay nagtatanghal ng mga tapiserya ng Pilipinas na may iba’t ibang disenyo na naayon sa rehiyon kung saan ito nanggaling. Ang mga banig at bakol na mayroong mga masasalimuot na disenyo ay naririto rin Bilang karagdagan, mayroon ding koleksiyon ng iba’t ibang butil ng bigas na isa sa pinaka importanteng agrikultural na produkto ng Pilipinas dahil sa papel nito sa pagkain at pag-aangkat ng bansa. Ang epekto ng global na pagpalit ng klima ay mayroon ding mga implikasyon sa napakaimportanteng ani na ito. Ang huling gallery ay ang Baybayin: The Traditional Scripts of the Philippines. Makikita rito ang iba’t ibang mga dokumento at libro na nakasulat sa ating sariling sistema ng pagsulat noon na ang Baybayin.

abakada

Ang baybayin ay nagangahulugang pagsulat ng mga titik ng isang salita, o “to spell” sa wikang Ingles. Isa itong lumang pamamaraan ng pagsusulat ng mga Pilipino bago dumating ang mga Kastila na nagpakilala sa mga Pilipino ng kanilang kasalukuyang pamamaraan ng pagsusulat. Sa panahon ngayon, nabuhay ang pagmamahal ng mga Pilipino sa Baybayin at ito ay magandang balita dahil sa pagusbong ng mga kanluraning palabas, musika, lengguwahe at pelikula, tila’y nakakalimutan na ang kulturang Pilipino.  Kung naipreserba kaya ang Baybayin ay mas magkakaroon ng pagkakakilanlan ang mga Pilipino na hindi lamang nakukuha mula sa mga indibidwal na sikat sa larangan ng sports, pageants at entertainment? Habang ang mga tulad nila Hidilyn Diaz, Catriona Gray at Lea Salonga ay magagandang representasyon ng mga angking galing at kakayahan ng mga Pilipino at simbolo ng ating pagka-Pilipino, hindi ba dapat ang mga mamayan din mismo ang sumasabuhay nito? Ang wikang Filipino ay isa sa mga aspeto ng kultura na unti-unting nawawala, lalo na ngayon sa pagtanggal nito sa kurikulum sa kolehiyo. Ang baybayin ay isang pag-alala sa mga Pilipino na mayroong mayaman na kultura ang Pilipinas bago pa man dumating ang mga dayuhan at nararapat lamang na ito’y maipreserba, mapahalagahan at patuloy na subukang buhayin. Ang litrato sa taas ay nagpapakita ng mga simbolo sa baybayin na nakapaskil sa bintana at gumagamit ng sinag ng araw upang makita ito. Ito ay hindi klarong nakikita dahil sa kurtina tumatakip dito na para sa akin ay sumisimbolo sa mga bagay na nagsisilbing balakid upang maipagmalaki natin ang ating sariling kultura. Para sa akin, ang wika ay isa sa pinakamahalagang yaman na mayroon ang isang bayan kung kaya’t dapat ay mas napapahalagahan ito ng mga Pilipino.

Gawa ni: Gaviola, Nina

Mag-iwan ng puna